moment of clarity

warning: this contains truth and fiction. the lines are meant to be extremely blurred.

Saturday, December 10, 2005

Something That Is Its Own Reward

Lubhang nakalilito ang mga nakalipas na linggo. Dahil sa hindi ko alam kung ano ang dapat unahin, ang mas may urgency, sumama na lang ako sa agos. Ilang linggo na rin akong bakasyon sa academics- walang pag-aalala sa recitation, attendance at masinsinang pag-aaral. Bakasyon na nakakapagod, mas nakakapagod pa nga. Nakakapagod palang maging bahagi ng university schoolpaper--nakakalito rin kung ano ang mas lamang frustration o fulfillment. Bawat sandali ay ginugugol sa pagsubok na pagibayuhin ang institusyon, maluwat na pagtanggap sa kritisismo, at sa paghimok sa sarili na dahil sa paglabas ng dyaryo lingguhan ay masusulit na ang lahat ng kagulumihanan.

Ang daming dapat gawin, ang daming dapat baguhin...pero maraming limitasyon, maraming intangibles. Pero anuman ang mangyari, sulit pa rin ang lahat ng pagod. Paano ba namang hindi, ito ang Philippine Collegian. Pangarap ko 'to bata pa lang ako (hehe!). Regardless of the composition of the editorial board,and the controversies surrounding this term, ang Collegian ay Collegian. Isa na 'tong institusyon. Kaya nga, sa kabila ng lahat, gusto kong pagtrabahuhan ang kalidad at kredibilidad ng dyaryo. Gusto kong tumulong sa pagpapanatili ng relevance at husay ng Kule, kahit isa lang akong tuldok sa libu-libong pahina nito. Dahil ang editors na naka-posisyon ay dadaan lamang,at dahil ang editoraial thrust ay maaaring magbago pero hindi maaaring payagang maisantabi at mapabayaan ang status ng Kule (bilang isang instrumento ng pagbabago at pagsulong ng adbokasya ng mga estudyante ng premier state U), ako ay manantili at magsisilbi.

Nagiging passionate na nga ako ukol sa Kule, passionate at involved. Samantala, naaantala naman ang pag-umpisa sa review, ang pag-asikaso sa personal na kasiguruhan. Hindi ito pagpapakabayani o pagpapakamartir. Ito ay isang pagpili at pagsuong sa hindi sigurado. Embarking on a risk, investing on something that is its own reward. Minsan, aaminin ko na nakakapagod rin--humarap sa hamon, magpanggap na may sapat na katatagan at tapang, at pinakamalala, ang paniwalain ang sarili na meron kang sapat na talino at kakayahan para gampanan ang iyong gawain.

Iyong huli ang pinakamahirap. Kasi, mulat ka sa lahat ng pinagdaanang paghinang sa institusyon at alam mo na kung sino ang humubog at hinubog ng Kule. Kaya nariyan ang mga pagkakataong natatakot kang sumubok, naduduwag kang subukin ang hangganan ng iyong kakayahan. Pero, napagtanto ko na higit sa takot na malaman mong ikaw ay kulang, meron pang takot na mas tinatakbuhan- ang takot na amining kaya mo at dapat mong ibigay ang lahat para magsilbi sa estudyante na madalas ay hindi iisa ang mukha at interes. Nakakatakot at nakagagalak rin kapag napagnilayan mo na sa kaibuturan ng iyong pagkatao ikaw ay manunulat. At, hindi lang isang manunulat-- isa kang manunulat na may kamulatan na hindi mo mapigilang ibahagi sa iba. Para sa sariling pag-unlad, susupilin mo ang takot na patunayan ng mambabasa na ikaw ay mali at hungkag o sadyang palalo lamang. Para mabigyang kahulugan ang iyong talino, ikaw ay magiging bahagi ng tunggalian--sa sarili, paaralan, at lipunan. Para magkaroon ka ng partisipasyon sa makabuluhang tradisyon, ikaw ay magsasalin ng kaalaman at magsisilbing gabay sa susunod na henerasyon--sa pagharap nila sa hamon, sa pagtanggap nila na sila ay instumento ng pagbabago at pag-unlad.